Monday, 11 September 2017

Malaki ang Inaasahan sa Iyo

Sa isang tagpo sa buhay ni Hesus, makikita natin na binalaan niya ang mga bayang pinagpakitaan at ginawan niya ng himala (Mt. 11:20-24). Bakit kaya ganito na lamang ang pagkabahala ng ating Panginoon? Bakit tila baga "naghigpit" siya at ipinakita niya ang kanyang paghusga?

Kaalaman ang nagpapalaya sa tao mula sa tanikala ng kamangmangan. Sa pamamagitan nito, nakapag-iisip at nakapagdedesisyon tayo nang naaayon sa katotohanan at katuwiran. Kaya nga patuloy ang ating mithiin na alamin ang mga bagay-bagay sa mundo sa tulong ng edukasyon. Ito ang kaibahan natin sa ibang mga nilalang ng Diyos. Tayo lamang ang may kakayahan na umalam at magnilay. Dahil sa kakayahang ito, inaasahan sa atin na tuklasin ang kalooban ng Diyos na kusa Niyang ipinapamalas.

Nakakalungkot lamang isipin na sa panahon ngayon kung saan talamak at abot-kamay ang iba't ibang impormasyon ay marami pa rin ang walang kaukulang kaalaman sa pananampalatayang kanilang tinanggap. Marahil ay bunga na rin ito ng kakulangan ng mga magulang at ng Simbahan. Subalit malaki rin ang gampanin at tungkulin ng bawat isa hinggil sa kanilang sarili. Hindi puwedeng ibaling na lamang parati ang sisi sa iba o dili naman ay tinatamad. Lalong hindi puwedeng gawing dahilan ang pagiging ignorante. Malaki ang kaibahan ng pagiging inosente at pagiging ignorante. Ang una ay ang kalinisan ng budhi samantalang ang pangalawa ay ang kawalan ng karunungan.

Hindi na dapat tayong magtaka kung bakit nababahala ang Panginoon. Ang sa Kanya lamang ay dapat nating gawin ang mga bagay na nauukol sa ating pagiging tao: maarok ang daan, katotohanan, at ang buhay na walang iba kundi ang ating Panginoong Hesukristo. Malaki ang inaasahan sa atin ng Diyos.

Wednesday, 6 September 2017

Filipino: Wikang Mapagbago

Sa ating lupon ng inampalan, sa mga pinagpipitagan nating guro, sa mga kapwa ko mag-aaral at sa mga minamahal nating panauhin, magandang araw po sa inyong lahat! 

Pagbabago: ito ang lagi nating sigaw. Ito ang lagi nating hangad. Ilang daang taon na ang lumipas subalit ito pa rin ang ating hinahanap. Hindi ba natin nakamit ang minimthing pagbabago? Marahil sapagkat ang panglabas na aspeto lamang ang pinag-ukulan ng panahon at hindi ang puso at kalooban. Ginagamit rin natin ang mga paraan na hindi naman akma sa ating kalagayan. Bunga nito ay hindi ganap ang pagbabagong nangyari na walang kapangyarihang magpalaya sa atin mula sa lusak ng kasamaan. Ano ngayon ang marapat nating gawin?

Umayon sa hinihingi ng pagkakataon. Ang ating wika ay buhay. Sumasabay ito sa takbo ng panahon. Ang mga terminolohiya na wala sa ating bokabularyo ay inaasimila nito at inaangkin. Sa ganitong paraan ay makikita ang patuloy na pag-unlad at pagyabong ng Filipino. Ganito rin dapat tayong mga Pilipino sapagkat likas na sa atin ang lumapat sa anumang sitwasyon na naroon tayo. Dahil dito ay marami tayong napupulot na mga aral sa buhay at nagiging matatag tayo sa pagharap sa mga pagsubok. Kung minsan kasi ay tamad tayo. Gusto natin na nariyan na ang lahat sa ating harapan at dapat ay umaayon ang sitwasyon sa kagustuhan natin. Ngunit pinaaalalahanan tayo ng ating wikang pambansa na may mga bagay na hindi natin kontrolado at hindi natin maaaring ipagpilitan.

Pahalagahan ang kapwa. Nakakalungkot isipin na sa panahon ngayon ay wala na tayong pakialam sa ating kapwa. Nagkikibit-balikat na lamang tayo sa kabila ng mga patayan, kaguluhan, at digmaan na nagaganap sa ating lipunan dahil hindi naman tayo apektado kaya hindi tayo kumikilos at tumutulong. Ang Filipino ay nagpapaalala na hindi natin maaaring ipagsawalang-bahala ang mga nangyayari ngayon. Tigilan na natin ang indibidwalistikong pananaw sa buhay. Merong TAYO! Merong ATIN! Isa tayong pamayanan na nagbabayanihan dahil pinagbubuklod tayo ng pagmamahalan na bumubukal sa pag-ibig ng Diyos.

Pagbabago: ito ang lagi nating sigaw. Ito ang lagi nating hangad. Magkakaroon lamang ito ng kaganapan kung hahayaan natin ang ating mga sarili na mahubog ayon sa kultura at mga katangian ng isang tunay na Pilipino na nakasalig na sa ating pambansang wika. May kakayahang magpabago ang ating wika. Ang tanong lamang ay ito: handa ka bang magbago?

(Ang talumpating ito ay kasali sa patimpalak ng paggawa at pagbigkas ng talumpati sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2017 ng Tertiary Schools Association (TESA) sa Lungsod ng San Pablo.)

Friday, 28 July 2017

Extraordinary

Suffering is inevitable. We see it on the faces of beggars on the streets, in the gestures of the sick and the aged, and at every gasp of weary men longing for a relief. It seems at times that life is plain hardships that we must face day-by-day. If this is the kind of life that has been given to us, is it worth living?

Arthur Schopenhauer, renowned for his pessimistic view of life, believed that it is better that we did not exist at all rather than to live a miserable life. True enough, most of us do not want to experience sufferings and pains because it causes us discomfort and distress. People look at life as something that must be free from toils and afflictions so as to become happy. This is the reason why so many parents work hard for their children. It is the reason why men tend to think of easier ways to get the job done. Suffering must be avoided at all costs. This is the ordinary perspective.

Christians, on the other hand, view suffering as essential and part of human experience. Instead of running away from it, they develop it into a great act of abandonment to the will of God. It is not seen as a hindrance to happiness but as a stepping stone which makes the person strong and grow into maturity which leads to that goal. By suffering, one becomes humble and learns to embrace his own cross and by doing so, he puts love in suffering and transforms it as an offering pleasing to the Lord. St. Alphonsa knew well of this as she cannot give anything but her sufferings because of her condition. What an extraordinary outlook!

Upon reading about her biography, I realized that what made her life extraordinary is her determination to offer something for God and to the people. Even if she was beset with illnesses, she accepted it wholeheartedly making me feel ashamed for each time I complain with a tiny bit of suffering here in the seminary. She reminded me that priesthood is not just a bed of roses. It must include the thorns. If am not willing to suffer, I am not willing to love. If I am not willing to love, I am not willing to follow Christ.

Is life worth living? Yes, even if it is full of sufferings. It depends on what we are going to do: we can own these sufferings and transform it into an offering which alleviates it and becomes our happiness or, become bitter and try to escape the reality that suffering is part of life. We are given two options: to be ordinary or extraordinary. As a fitting conclusion, I would like to share a song by Fatima Soriano entitled, “Aking Alay” which speaks about the beauty of sharing our sufferings with the Lord.

Buhay ko’y simple lamang
Walang lakas at yaman
Ang aking tanging alay
Mga hirap kong taglay.

Paghihirap ko tanging alay ko
Inaalay ko paghihirap ko
Anuman ang hirap ko
Sa buhay kong ito
Iaalay ko para sa inyo.

May rason ang bawat bagay
Ang lahat ay may misyon sa buhay
Misyon ko ang mag-alay
paghihirap sa buhay.

Minsan ako’y mahina
Minsan may pagdududa
Ang tangi kong pag-asa
Ang Diyos, ating Ama.




Wednesday, 8 March 2017

Tanggapin, Aminin, Baguhin!

Mayroong sumikat na awitin nung 2013 na akda ni Bassilyo na pinamagatang, "Lord, Patawad." Umiinog ang kanta sa isang binata na sa sobrang yabang ay nakalilimot sa Diyos at sa huli, pinagsisihan niya ito at humihingi ng tawad sa Panginoon. Hindi ba't ito rin ang kalimitang nangyayari sa atin? Naaalala lang natin ang Panginoon kapag may kailangan tayo o mayroong masamang nangyari sa atin? Ano ba ang nararapat nating gawin sa tuwing nahaharap tayo sa ganitong sitwasyon?

Sa ating ebanghelyo (Lucas 11:29-32) ay nakita natin kung paanong tinanggihan ni Hesus ang panghihimok ng mga tao na magpakita siya ng isang tanda upang mapatunayan na siya ang Anak ng Diyos. Bakit? Dahil siya na mismo ang tanda! Pinagaling niya ang mga maysakit, pinarami niya ang tinapay at isda, binuhay niya ang mga patay, at marami pang iba! Hindi pa ba sapat na katibayan ang mga iyon? Kaya wala na siyang dapat patunayan sa kanila. Kaya naghahanap pa ng pruweba ang mga tao sapagkat sarado ang kanilang mga kalooban sa pagtanggap sa Salita ng Diyos. Puno ng yabang ang kanilang puso kaya imbis na si Hesukristo ang makita nila ay mga sarili lamang ang nasisilayan nila. Kung nais nating makita si Hesus, kailangan natin ng kababaang-loob upang maging bukas tayo at matanggap ng buong-buo ang ating Panginoon. Dahil dito, makikita natin ang ating mga pagkakasala at pagkukulang sa harap ng Diyos, na tayo ay mahihina at marurupok.

Makasalanan tayo. Iyan ang totoo. Kaya lang, dahil sa mayayabang tayo, ayaw natin itong tanggapin. Ayaw nating aminin. Yung simpleng pag-utot na nga lang itinatanggi pa natin, yun pa kayang mga kasalanan natin? Takot kasi tayong mahusgahan. Ang bunga nito ay ang kawalan natin ng kagustuhan na magbago dahil "perpekto" naman tayo. Pero wala tayong dapat ikatakot dahil nakatitiyak tayo sa awa at habag ng Diyos na higit pa sa ating kasamaan. Kinakailangan lang nating pagsisihan at talikdan ang ating mga masasamang gawi at ihingi ito ng tawad sa Kanya. Makakaasa tayo dito sapagkat tinatanggap ng Panginoon ang mapagkumbaba't pusong tapat. Sa katunayan, ito ang nangyari sa mga taga-Ninive sa unang pagbasa (Jonas 3:1-10). Dahil sa kanilang pagsisisi, hindi itinuloy ng Diyos ang paggunaw sa kanilang lungsod.

Ngayong Kuwaresma kung saan pinagninilayan natin ang pagpapakasakit, paghihirap, at kamatayan ni Hesus sa krus, inaanyayahan tayo ng Simbahan na magbalik-loob sa Diyos at lumapit sa sakramento ng kumpisal. Tanggapin natin ang ating karupukan, aminin natin ang ating mga kasalanan, at baguhin natin ang ating sarili nang sa gayon ay makita natin ang pagkilos ni Hesus sa ating buhay. Magandang sabihin natin kay Hesus na, "Lord, Patawad." Pero mas maganda kung sasamahan natin ito ng pagtitika.






Wednesday, 15 February 2017

Pagdating ng Panahon

May isang bata na nagpunta sa simbahan para magdasal dahil gusto niyang humiling sa Diyos na bigyan siya ng bisikleta. "Papa Jesus, sana bilhan po ako ni papa ng bike sa isang linggo." Lumipas ang isang linggo, bumalik ulit ang bata para magdasal, "Papa Jesus," sabi niya, "bakit wala pa po akong bike? Kung naririnig niyo po ako sana magka-bike po ako next week." Nagdaan ulit ang isang linggo. Wala pa rin siyang natanggap na bike. Isang araw, nag-iikot ang pari sa simbahan nang napansin niyang nawawala ang imahen ng Mahal na Birhen at mayroong sulat sa dating kinaglalagyan nito. Kinuha niya ang sulat at ito ang nakalagay, "Papa Jesus, kung gusto mo pang makita ang nanay mo, ibigay mo sa akin ang bike ko." Katulad ng bata, nais nating makuha sa Diyos ang ating mga minimithi agad-agad pero ang ebanghelyo para sa araw na ito ay nagpapaalala sa atin na hindi ganito kumikilos ang Panginoon sa ating buhay (Mk. 8:22-26).

Hindi natin arok ang kaalaman at kaisipan ng Diyos. Tayo ay mga hamak na tao lamang na mayroong limitadong kakayahan na pag-aralan ang katotohanan ng buhay. Hindi natin kayang makipagsabayan sa kanya. Marami pa rin tayong mga tanong na hindi masagot, mga misteryo na patuloy nating pinagninilayan, at mga pangyayari na hindi natin maunawaan ang mga dahilan. Alam ito ng ating Panginoong Hesukristo kaya nga nang pagalingin niya ang bulag sa Bethsaida, hindi niya ito ginawa nang biglaan kundi unti-unti, dahan-dahan. Ito'y pagpapakita lamang na kinakailangan ng tao ng panahon upang maintindihan ang mga bagay-bagay. Sa mundong kinagisnan nang makuha ang lahat sa mabilisan, inaanyayahan tayo ni Hesus na maghinay-hinay upang makita natin ang kahalagahan ng oras at ang kakayahan nitong mapanibago tayo.

Nilikha ng Diyos ang oras upang gamitin ng tao sa pagpapakabuti at pahalagahan ang bawat sandali ng kanyang buhay. Dahil sa oras, nagiging disiplanado tayo at inuuna natin kung ano ang importante. May kakayahan itong dalisayin ang ating kalooban. Sa unang pagbasa (Gen. 8:6-13, 20-22) ay nakita natin kung paanong naghintay si Noe na humupa ang baha. Hindi lamang ang mundo ang naging dalisay dahil sa baha kundi pati na rin ang kalooban ni Noe at ng kanyang pamilya dahil sa hinaba-haba ng kanilang pananatili sa arko ay lalong tumibay ang kanilang pananalig sa Diyos. Kaya nga nang mag-alay siya ng handog sa Panginoon, sinumpa ng Diyos na hindi na niya muling wawasakin ang mundo dahil sa tao. Ito ang nais ni Hesus na ibigay natin sa kanya: isang pagpupuri na nagmumula sa dalisay na kalooban.

Isa pang aspeto ng oras ay ang kakayahan nitong pagalingin ang ating mga sakit, pisikal man o espirituwal. Ginagamit ng Panginoon ang oras upang lunasan ang ating mga karamdaman at hilumin ang ating mga pusong sugatan. Hindi madadaan sa madalian ang paggaling. Kinakailangang lumipas ang ilang araw, linggo, o taon bago tuluyang bumalik tayo sa dati. Katulad ng mga galos na nagsasara at mga luha na nagbibigay ng kaginhawaan, ang oras ay nakapagdudulot sa atin ng panibagong kalakasan upang harapin ang mga hamon ng buhay. Ganito kumilos ang Diyos. Hindi siya nag-aapura o nagmamadali. Ibinibigay niya ang makabubuti para sa atin sa kanyang takdang panahon, sa tamang panahon.

Marami man tayong hindi maintindihan sa ngayon, mayroon naman tayong pinanghahawakan: nariyan ang Diyos na gagabay sa atin upang ituro sa atin ang katotohanan, dalisayin ang ating mga kalooban, at pagalingin ang ating mga sakit. Hindi natin kailangan magmadali. Mauunawaan din natin ang lahat pagdating ng panahon. Ang mahalaga ay inilalaan natin ang bawat taon, buwan, linggo, araw, oras, minuto, at segundo ng ating mga buhay kay Hesus na ating Panginoon. Magtiwala lang tayo sa kanya sapagkat sasamahan niya tayo kahit napakabagal natin. Kailanman ay hindi niya tayo iiwan.