Wednesday, 15 February 2017

Pagdating ng Panahon

May isang bata na nagpunta sa simbahan para magdasal dahil gusto niyang humiling sa Diyos na bigyan siya ng bisikleta. "Papa Jesus, sana bilhan po ako ni papa ng bike sa isang linggo." Lumipas ang isang linggo, bumalik ulit ang bata para magdasal, "Papa Jesus," sabi niya, "bakit wala pa po akong bike? Kung naririnig niyo po ako sana magka-bike po ako next week." Nagdaan ulit ang isang linggo. Wala pa rin siyang natanggap na bike. Isang araw, nag-iikot ang pari sa simbahan nang napansin niyang nawawala ang imahen ng Mahal na Birhen at mayroong sulat sa dating kinaglalagyan nito. Kinuha niya ang sulat at ito ang nakalagay, "Papa Jesus, kung gusto mo pang makita ang nanay mo, ibigay mo sa akin ang bike ko." Katulad ng bata, nais nating makuha sa Diyos ang ating mga minimithi agad-agad pero ang ebanghelyo para sa araw na ito ay nagpapaalala sa atin na hindi ganito kumikilos ang Panginoon sa ating buhay (Mk. 8:22-26).

Hindi natin arok ang kaalaman at kaisipan ng Diyos. Tayo ay mga hamak na tao lamang na mayroong limitadong kakayahan na pag-aralan ang katotohanan ng buhay. Hindi natin kayang makipagsabayan sa kanya. Marami pa rin tayong mga tanong na hindi masagot, mga misteryo na patuloy nating pinagninilayan, at mga pangyayari na hindi natin maunawaan ang mga dahilan. Alam ito ng ating Panginoong Hesukristo kaya nga nang pagalingin niya ang bulag sa Bethsaida, hindi niya ito ginawa nang biglaan kundi unti-unti, dahan-dahan. Ito'y pagpapakita lamang na kinakailangan ng tao ng panahon upang maintindihan ang mga bagay-bagay. Sa mundong kinagisnan nang makuha ang lahat sa mabilisan, inaanyayahan tayo ni Hesus na maghinay-hinay upang makita natin ang kahalagahan ng oras at ang kakayahan nitong mapanibago tayo.

Nilikha ng Diyos ang oras upang gamitin ng tao sa pagpapakabuti at pahalagahan ang bawat sandali ng kanyang buhay. Dahil sa oras, nagiging disiplanado tayo at inuuna natin kung ano ang importante. May kakayahan itong dalisayin ang ating kalooban. Sa unang pagbasa (Gen. 8:6-13, 20-22) ay nakita natin kung paanong naghintay si Noe na humupa ang baha. Hindi lamang ang mundo ang naging dalisay dahil sa baha kundi pati na rin ang kalooban ni Noe at ng kanyang pamilya dahil sa hinaba-haba ng kanilang pananatili sa arko ay lalong tumibay ang kanilang pananalig sa Diyos. Kaya nga nang mag-alay siya ng handog sa Panginoon, sinumpa ng Diyos na hindi na niya muling wawasakin ang mundo dahil sa tao. Ito ang nais ni Hesus na ibigay natin sa kanya: isang pagpupuri na nagmumula sa dalisay na kalooban.

Isa pang aspeto ng oras ay ang kakayahan nitong pagalingin ang ating mga sakit, pisikal man o espirituwal. Ginagamit ng Panginoon ang oras upang lunasan ang ating mga karamdaman at hilumin ang ating mga pusong sugatan. Hindi madadaan sa madalian ang paggaling. Kinakailangang lumipas ang ilang araw, linggo, o taon bago tuluyang bumalik tayo sa dati. Katulad ng mga galos na nagsasara at mga luha na nagbibigay ng kaginhawaan, ang oras ay nakapagdudulot sa atin ng panibagong kalakasan upang harapin ang mga hamon ng buhay. Ganito kumilos ang Diyos. Hindi siya nag-aapura o nagmamadali. Ibinibigay niya ang makabubuti para sa atin sa kanyang takdang panahon, sa tamang panahon.

Marami man tayong hindi maintindihan sa ngayon, mayroon naman tayong pinanghahawakan: nariyan ang Diyos na gagabay sa atin upang ituro sa atin ang katotohanan, dalisayin ang ating mga kalooban, at pagalingin ang ating mga sakit. Hindi natin kailangan magmadali. Mauunawaan din natin ang lahat pagdating ng panahon. Ang mahalaga ay inilalaan natin ang bawat taon, buwan, linggo, araw, oras, minuto, at segundo ng ating mga buhay kay Hesus na ating Panginoon. Magtiwala lang tayo sa kanya sapagkat sasamahan niya tayo kahit napakabagal natin. Kailanman ay hindi niya tayo iiwan.



No comments:

Post a Comment